Pinanawagan ni Senador Kiko Pangilinan ang agarang pagpasa ng panukalang Anti-Ticket Scalping Act matapos lumutang ang mga ulat ng muling pagbebenta ng mga tiket para sa inaabangang BTS concert sa presyong ilang ulit na mas mataas kaysa sa orihinal nitong halaga.
Ayon kay Pangilinan, layon ng kanyang Senate Bill No. 1989 na tahasang ipagbawal ang ticket scalping at maprotektahan ang karapatan ng mga mamimili, lalo na ng mga concertgoer.
Sinabi ng senador na nakarating sa kanyang tanggapan ang mga reklamo mula sa mga BTS fan hinggil sa mga tiket para sa BTS World Tour Arirang Concert na ibinebenta online sa halagang mula P30,000 hanggang P90,000 kada isa.
Aniya, ang orihinal na presyo ng VIP Soundcheck tickets para sa concert na gaganapin sa Marso 2027 ay nasa P25,000 lamang, habang P7,500 naman ang halaga ng tiket para sa Bleachers 2 section.
Sa ilalim ng panukalang batas, papatawan ng parusa ang sinumang mapatutunayang nagsasagawa ng ticket scalping o nagbebenta ng tiket nang lampas sa itinakdang price threshold.
Maaaring multahan ng P100,000 o makulong nang hanggang anim na buwan, o parehong parusa, ang mapatutunayang lumabag sa unang pagkakataon.
Tataas ang parusa sa P250,000 o isang taong pagkakakulong para sa ikalawang paglabag, at P500,000 o tatlong taong pagkakakulong para sa ikatlong paglabag.
Layunin din ng panukala na palakasin ang pananagutan ng mga ticketing platform at event organizer sa pamamagitan ng mas mahigpit na monitoring at enforcement measures laban sa ilegal na bentahan ng mga tiket.