Tiniyak ni Senate President Pro Tempore at Acting Senate President Sherwin Gatchalian na handa ang Senado na tumugon sa special session na ipinatawag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon kay Gatchalian, kinikilala nila ang kanilang tungkulin sa taumbayan at isusulong ang mga panukalang makatutulong sa mga Pilipino.
Kabilang aniya sa mga prayoridad na tatalakayin sa special session ang ilang landmark measures gaya ng panukalang pagtatatag ng National Center for Geriatric Health, mga amyenda sa GASTPE Law, AICS Act, UAQTEA, GIDA Schools Law, at Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act, gayundin ang Anti-Political Dynasty Law at Presidential Merit Scholarship Program.
Sasaklawin din aniya ng special session ang pagpupulong ng Commission on Appointments (CA) upang aksyunan ang mga nominasyon at pagtatalaga sa mga posisyon sa gabinete, militar, at foreign service.
Bukod dito, sinabi ni Gatchalian na bibigyang-pansin din ng Senado ang mga hakbang para sa relief, rehabilitation, at reconstruction para sa libu-libong pamilyang naapektuhan ng malakas na lindol sa Sarangani at mga kalapit na lalawigan.
Isusulong din aniya ang Senate Bill No. 1182 o ang Agricultural and Fisheries Extension Act na naglalayong palakasin ang technical support, training, at iba pang tulong para sa mga magsasaka at mangingisda. Nanawagan naman si Gatchalian sa kanyang mga kapwa senador na dumalo sa special session upang mapabilis ang pagtalakay at pagpasa ng mga mahahalagang panukala para sa bansa.