Nanawagan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga local government unit (LGU) na gamitin ang Operation L!STO Manual upang palakasin ang kanilang kahandaan at pagtugon sa lindol.
Ginawa ng ahensya ang apelang ito matapos ang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Mindanao.
Ayon sa DILG, ang manual na binuo katuwang ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ay nagsisilbing gabay para sa mga LGU bago, habang, at pagkatapos ng lindol.
Nilalaman nito ang mga hakbang sa maagang paghahanda, kabilang ang risk assessment, hazard mapping, at emergency planning.
Mayroon din itong mga gabay sa paglikas, pagpapatupad ng mga pamantayan sa kaligtasan, at regular na pagsasagawa ng earthquake drills.
Kapag may lindol, agad na isinasagawa ang mga response at initial recovery efforts batay sa tindi ng pagyanig.
Kasama rin dito ang mabilis na damage assessment at koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya.
Giit ng DILG, mahalaga ang paggamit ng Operation L!STO Manual upang mas maging handa ang mga komunidad, mapabilis ang pagtugon sa sakuna, at mapatatag ang kakayahan ng mga ito na makabangon mula sa mga susunod na lindol.