Nanawagan ang Bantay Senado, isang citizens’ monitoring network na nagbabantay sa impeachment trial, na buksan sa media at publiko ang pre-trial conference sa Hunyo 18.
Giit ng grupo, ang pagiging transparent sa mga paglilitis ng impeachment ay isang tungkuling konstitusyonal at hindi lamang isang opsyon sa proseso.
Batay sa alituntunin ng Senate Impeachment Court, ang pre-trial conference sa Hunyo 18 ay “hindi bubuksan sa media o publiko” dahil kinakailangang bigyan ang mga partido ng “pinakamalawak na kalayaan at espasyo” sa mga pagdinig.
Gayunman, mariing hinihikayat ng Bantay Senado ang hukuman na muling isaalang-alang ang naturang patakaran.
Ang pre-trial conference ang yugto kung saan itinatakda ang mga patakaran ng paglilitis, pormal na minamarkahan ang mga ebidensiya, at tinutukoy ang mga testigo.
Nilinaw ng grupo na wala itong pinapanigan sa kaso laban kay Vice President Sara Duterte at hindi rin ito kumakampi sa prosekusyon o depensa.
Gayunman, binigyang-diin ng grupo na napansin nila na may ilang miyembro ng prosekusyon na pabor sa isang bukas at pampublikong pre-trial conference, at mariin nilang sinusuportahan ang paninindigang ito.
Nananawagan ang grupo sa Senate Impeachment Court na agad na maglabas ng binagong abiso upang buksan sa media at publiko ang pre-trial conference sa Hunyo 18.