Umapela si Senador JV Ejercito sa Department of Health (DOH) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na agarang imbestigahan ang kaso ng isang pasyenteng namatay matapos umanong hindi agad mabigyan ng kinakailangang paggamot dahil sa hinihinging malaking hospital deposit.
Ang panawagan ng senador ay kasunod ng viral na social media post ni Ginang Maria Lourdes Sulit, na namatayan ng asawa na umano’y hindi nakapag-avail ng kanyang PhilHealth benefits.
Ayon kay Ejercito, na may-akda at principal sponsor ng Universal Health Care (UHC) Act, hindi sapat na may pondo lamang sa papel dahil ang tunay na sukatan ng tagumpay ng healthcare system ng bansa ay kung napakikinabangan ito ng mga Pilipino sa oras ng pangangailangan.
Binigyang-diin ng senador na dapat suriin kung may nalabag na probisyon ng Anti-Hospital Deposit Law o Republic Act No. 10932, na nagbabawal sa mga ospital na humingi ng deposito o paunang bayad bago magbigay ng emergency o kritikal na serbisyong medikal.
Sinabi rin ni Ejercito na dapat ding imbestigahan kung bakit hindi nakapag-avail ng benepisyo sa PhilHealth ang naturang pasyente.
Ayon sa senador, nakasaad sa Universal Health Care Law na lahat ng Pilipino ay saklaw ng PhilHealth at dapat makinabang sa mga benepisyo nito.
Pinunto pa ng mambabatas na may kapangyarihan ang PhilHealth na magpataw ng multa at magsuspinde ng accreditation ng mga ospital na lumalabag sa mga polisiya nito.
Iginiit ng senador na dapat may managot kung mapatutunayang may paglabag sa batas at sa mga umiiral na regulasyon.