Iginiit ni Senior Citizen Party-list Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes na ang pagbibitiw sa puwesto ni dating coach Tab Baldwin ay hindi nangangahulugang natatapos o nawawala ang anumang posibleng pananagutan kaugnay ng pagkamatay nina Rene Baterbonia at Divine Adili sa isang training camp.
Ayon kay Ordanes, bagama’t maaaring ituring na personal na hakbang o sakripisyo ang pagbibitiw, hindi nito awtomatikong pinapawalang-sala ang sinumang posibleng may pananagutan sa insidente.
Nanawagan din siya sa Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), National Bureau of Investigation (NBI), at Department of Justice (DOJ) na tiyaking maisasagawa ang mga nararapat na hakbang, kabilang ang posibilidad ng pag-isyu ng Hold Departure Order (HDO) laban kay Baldwin kung kinakailangan.
Giit niya, hindi sapat ang Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) upang pigilan ang pag-alis ng mga indibidwal na posibleng sangkot sa insidente.
Samantala, sinabi naman ni Rep. Toby Tiangco na hindi dapat matapos ang mga tanong at imbestigasyon kaugnay ng insidente sa pamamagitan lamang ng pagbibitiw ng coach.
Ayon kay Tiangco, kailangang magpaliwanag ang Ateneo de Manila University tungkol sa tunay na nangyari sa training camp at ilabas sa publiko ang resulta ng imbestigasyon.
Giit niya, hindi ito paninisi kundi paghahanap ng katotohanan upang matukoy kung sino ang dapat managot sa trahedya.