Tinawag ni House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang nakanselang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee bilang isang huling minutong pagtatangka umano upang ilihis ang atensyon ng publiko mula sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa isang panayam, sinabi ni Adiong na para sa kanya ay maituturing itong “last-minute effort” upang ilihis ang atensyon ng publiko.
Dagdag ng mambabatas, malinaw umano ang prayoridad ng Senado at ang kanilang konstitusyonal na mandato ang pagdinig sa impeachment case ng Pangalawang Pangulo.
Ito ang tugon ni Adiong kaugnay ng isyu sa umano’y nakatakdang pagdinig ngayong araw ng Senate Blue Ribbon Committee na batay sa social media post ni dating kongresista Mike Defensor, bagay na agad itinanggi ng chair ng komite na si Sen. Erwin Tulfo.
Samantala, binatikos naman ni Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña ang umano’y hindi awtorisado at nakanselang pagdinig.
Ayon kay Cendaña, kung nais ng ilang senador na magkaroon ng pananagutan, dapat ay pirmahan nila ang committee report ng Blue Ribbon Committee at iwasan ang “political circus,” at sa halip ay ituon ang pansin sa tunay na serbisyo publiko.