Patuloy ang intelligence gathering ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng mga bantang lumalabas at natatanggap ng Senado.
Sa isang press conference, sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na tuloy-tuloy ang mga umano’y planong pag-oorganisa ng kaguluhan sa Senado at nakikita nilang posibleng dahilan sa likod nito ang pagnanais ng ilan na isulong ang destabilisasyon ng gobyerno.
Bukod sa mga komento at post sa social media, may mga text message din umanong natatanggap ang NBI na naglalaman ng mga pagbabanta laban sa Senado. Patuloy aniya nilang sinusuri kung gaano kaseryoso ang mga ito.
Sa ngayon, sinabi ni Matibag na unti-unti nang humuhupa ang mga pagbabanta laban sa Senado. Gayunman, may mga bago pa rin umanong pagtatangka na mag-organisa ng kaguluhan na kanilang mino-monitor at pinag-aaralan upang matukoy kung gaano ito kaseryoso.