Sinuspinde na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng 24 bus units ng North Genesis Bus Line, Inc. na sangkot sa malagim na road crash sa Baguio City, na ikinasawi ng isang tao.
Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, ipatutupad ang 30-araw na suspensyon habang isinasagawa ang imbestigasyon para matukoy kung may naging paglabag ang kumpanya sa kanilang prangkisa.
Sa inisyal na ulat, bumangga ang naturang bus sa isang nakaparadang truck sa Kilometer 6, Marcos Highway, Baguio City. Isang pasahero ang nasawi matapos ma-trap sa loob ng bus, habang anim naman ang nasugatan.
Kaugnay nito, iniutos ng LTFRB ang drug testing sa lahat ng bus drivers, roadworthiness inspection ng 24 na suspendidong unit, at pagsuko ng mga plaka ng mga sangkot na bus.
Pinabibilis na rin ni Mendoza ang pagbibigay ng insurance claims sa mga pamilya ng mga nasawi at mga nasugatan sa aksidente.