Iniutos ng Department of Agriculture (DA) ang pagpapabilis ng produksyon ng biological control agents laban sa mapaminsalang Red-Striped Soft Scale Insect (RSSI).
Target ng DA na makapag-produce ng sapat na likas na fungus para masaklaw ang hindi bababa sa 75,000 ektarya ng taniman ng tubo.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., maaaring pababain ng RSSI ang sugar content ng tubo nang hanggang 50% na may malaking epekto sa produksyon at kita ng mga magsasaka.
Iniulat ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na higit 30% ng mga tubuhan sa Negros Occidental at Negros Oriental ang apektado, habang umaabot na sa humigit-kumulang 4,600 ektarya ang kumpirmadong infestation.
May mga ulat din ng pagkalat ng peste sa Iloilo, Capiz, Leyte at ilang bahagi ng Mindanao.
Maglalaan pa ang DA ng karagdagang pondo para sa biological control production at paggamit ng artificial intelligence sa mas mabilis na pagtukoy at pagsubaybay sa RSSI.