Naghain si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio ng resolusyon na mag-uutos sa Committee on Labor and Employment na imbestigahan ang pagguho ng gusali sa Angeles City, Pampanga.
Layunin ng House Resolution No. 1120 na repasuhin ang Occupational Safety and Health (OSH) Standards Law (RA 11058) at palakasin ang pagpapatupad laban sa mga lumalabag sa OSH standards.
Giit ni Tinio, hindi ito simpleng aksidente kung hindi posibleng criminal negligence.
Binigyang-diin din niya na hindi makatarungan na multa lamang ang parusa sa mga employer kahit may buhay na nawawala sa mga insidente ng paglabag sa safety standards.
Umabot sa 30 construction workers ang nasawi habang 27 ang sugatan sa trahedya.
Ayon pa sa mambabatas, dumulog sa kanyang tanggapan ang mga pamilya ng mga biktima.
Tiniyak naman niya ang suporta ng Kamara upang makamit ang hustisya para sa mga naulilang pamilya.