Pinagpapaliwanag ni Transportation Secretary Banoy Lopez si MRT-3 General Manager Michael Capati kaugnay ng naging aberya sa biyahe ng linya kaninang umaga, na nagdulot ng perwisyo sa mga pasahero.
Sa inilabas nitong memorandum, inatasan ng kalihim si GM Capati na magpaliwanag sa loob ng 24 oras kung bakit hindi siya dapat patawan ng administrative sanction kasunod ng provisional service sa tren, bandang 5:30AM kanina.
Bukod sa GM ng MRT-3, pinagpapaliwanag din ang rehabilitation at maintenance service provider na Sumitomo Corporation, gayun din sa consultants nito.
Kaugnay nito, iniutos na rin ng kalihim na magbigay ng libreng sakay ang MRT-3 para sa mga pasahero ngayong araw, at sisingilin ito sa Sumitomo.