Photo courtesy of Philippine Coast Guard
Nagsagawa ng Maritime Domain Awareness patrol at monitoring ang mga awtoridad ng Pilipinas ngayong araw (June 17).
Ayon sa PCG at kinumpirma ng National Task Force for the West Philippine Sea ang pag-alis ng isang floating platform na dating namataan sa loob ng lagoon ng Bajo de Masinloc.
Matatandaang agad na umalma at naghain ng diplomatikong protesta ang Pilipinas nang makitang naglalagay doon ng floating platform.
Iginiit ng National Task Force for the West Philippine Sea na tanging ang Pilipinas lamang ang may karapatang maglagay ng anumang istruktura o magsagawa ng mga aktibidad, kabilang ang marine scientific research, sa naturang lugar at karagatang sakop nito.
Dapat sumunod ang lahat ng dayuhan sa internasyonal na batas at iwasan ang anumang hakbang na lumalabag sa soberanya at karapatan ng bansa sa karagatan.