Ibinida ng Department of Agriculture-National Fisheries Research and Development Institute (DA-NFRDI) na mas detalyadong natutukoy ng ahensiya ang mga klase ng mga lamang-dagat na nakukuha sa bansa.
Ayon kay DA-NFRDI Scientist V at Genetic Fingerprinting Laboratory Head Doctor Mudjekeewis Santos, may kakayahan ang bansa na imbestigahan ang mga nagaganap na maritime crime sa paraang nalilinlang ang publiko sa mga uri ng isda at iba pang lamang-dagat na nahuhuli at ibinibenta sa merkado.
Pagdedetalye pa ni Dr. Santos, ginagamitan nila ng DNA (Deoxyribonucleic Acid) forensics ang anumang uri ng lamang-dagat na susuriin upang matukoy ang mga klase nito na pumapasok at lumalabas ng bansa at ibinebenta sa merkado.
Dagdag pa ng eksperto na sa ganitong paraan, maiiwasan ang mislabeling ng mga produktong kumakalat sa merkado upang protektahan ang food security at ekonomiya ng bansa.
Paliwanag pa ni Dr. Santos na may kakayahan ang modernong teknolohiya na matukoy ang tunay na uri ng lahi at pangalan ng mga lamang-dagat kahit pa putol-putol at na-proseso na ito.
Ayon pa kay Dr. Santos, ang Pilipinas ang may pinakamalaking bilang na isda sa buong mundo kaya gumawa sila ng DNA Library katuwang ang Estados Unidos na ginagamit na batayan nang maraming bansa sa kasalukuyan.
Binigyang-diin pa ni Dr. Santos na bukas ang kanilang laboratoryo para sa research and development ng mga seyentipiko, guro at estudyante. | ulat ni Christopher Tirambulo