Nadagdagan pa ang mga botikang katuwang ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tumatanggap ng guarantee letters o GLs para sa mga benepisyaryong nangangailangan ng gamot.
Ayon sa DSWD, maaari nang gamitin ang mga inilabas na GLs sa pagbili ng maintenance medicines sa 238 Generika Drugstores nationwide.
Sinabi ni DSWD Spokesperson Asec. Irene Dumlao, na bahagi ito ng patuloy na pagsisikap ng ahensya sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program para matulungan ang mga Pilipinong nangangailangan ng suportang medikal.
Kabilang sa maaaring ma-avail ang mga gamot mula sa Actimed Generics line ng Generika Drugstores na mayroong iba’t ibang over-the-counter at prescription medicines.
May nakapaskil na “DSWD Guarantee Letter is accepted here” sa mga botika na tumatanggap ng GLs.