Mariing iginiit ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na hindi aksidente ang nangyaring pagkamatay ng dalawang student-athletes ng Ateneo Men’s Basketball Team na sina Rene Baterbonia at Divine Adili sa isinagawang team building sa Aurora.
Ito ay matapos sabihin ng kampo ng isa sa mga coach ng Ateneo na aksidente ang nangyari sa pagkasawi nina Baterbonia at Adili.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni CIDG Director PMGEN Robert Morico II na normal lang na pagtanggol ng mga abogado ang kanilang mga kliyente, ngunit wala aniya ito sa posisyon upang magbigay ng konklusyon sa nangyari dahil wala ito nang maganap ang malagim na trahedya.
Ayon kay Morico, karamihan sa kanila ay nasa dagat at nasa layong 700 meters mula sa area of responsibility ng resort nang mangyari ang insidente.
Habang natagpuan naman ang mga labi nina Baterbonia at Adili na may 300 meters ang layo mula sa resort matapos tangayin ng malakas na alon.
Dagdag pa niya, batid ng mga basketball players na malalakas ang alon sa lugar bago pa man bumiyahe patungong Aurora. Samantala, muling pinadalahan ng subpeona ng CIDG si Coach Tab Baldwin at iba pang coaching staff at iniutos na dalhin ang drone footage sa insidente na makatutulong sa imbestigasyon.