Itinutulak ng Bureau of Immigration (BI) ang P10.74-bilyong border security project na gagamit ng artificial intelligence (AI) at biometrics upang palakasin ang screening sa mga paliparan at hangganan ng bansa.
Ayon kay Immigration Spokesperson Dana Sandoval, saklaw ng Civil Aviation and Immigration Security Services Project ang 11 international airports, isang international seaport sa Zamboanga, at anim na border crossing stations sa bansa.
Layunin ng proyekto na magkaroon ng end-to-end na sistema, mula sa data collection hanggang analysis, at hindi lamang nakasentro sa NAIA.
Ipinaliwanag din ni Sandoval na makatutulong ang AI at biometrics sa mas mabilis at mas eksaktong screening ng mga pasahero, kabilang ang pagsusuri at pag-uuri ng datos para sa target monitoring ng mga pinaghihinalaan.
Inaasahan ding magkakaroon ng apat na taong technology refresh cycle upang matiyak na laging updated ang sistema nang hindi na kailangang gumastos pa ang pamahalaan.
Sinabi rin ng ahensya na walang magiging pinansyal na pasanin sa pamahalaan ang proyekto dahil user fees lamang mula sa mga gagamit nito ang magpopondo rito. Dumaan na sa Swiss challenge ang panukala at walang ibang kumpanyang nagsumite ng counter-offer, habang kasalukuyan pa itong sumasailalim sa interagency review at wala pang napipirmahang kontrata.