Iginiit ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na hindi maaaring lumahok si Senador Jinggoy Estrada sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa loob ng siyamnapung (90) araw matapos itong masuspinde ng Sandiganbayan.
Nauna nang iniutos ng Sandiganbayan ang 90-araw na preventive suspension ni Estrada kaugnay ng mga kasong plunder at graft na may kaugnayan sa flood control scam.
Sa isang pahayag, sinabi ni Lacson na malinaw ang utos ng anti-graft court na nagpapataw ng suspension pendente lite kay Estrada mula sa kanyang kasalukuyang posisyon bilang senador at sa anumang iba pang pampublikong posisyon na kanyang hawak o maaaring hawakan sa hinaharap sa loob ng 90 araw.
Samantala, iginiit naman ni Estrada na hindi niya kailanman gagamitin ang kapangyarihan at pribilehiyo ng kanyang posisyon upang maprotektahan ang sarili laban sa mga paratang na kanyang kinahaharap.
Ayon kay Estrada, bago pa man inilabas ng Sandiganbayan Second Division ang kautusan para sa kanyang preventive suspension, nakagawa na siya ng mga hakbang upang ipakita ang kanyang paggalang sa proseso ng batas.
Kabilang na aniya rito ang pagtanggi niyang magpasailalim sa protective custody ng Senado at ang kanyang boluntaryong pagsuko sa mga awtoridad nang maisilbi ang warrant of arrest laban sa kanya.
Dagdag pa ni Estrada, agad din niyang ipinaalam sa Senate Secretary na itigil muna ang kanyang pagtanggap ng sahod habang kinahaharap ang mga kaso.
Ipinahayag ng senador na hindi siya nagdalawang-isip sa mga hakbang na ito dahil malinaw sa kanya na walang puwang ang personal na interes sa gitna ng isang prosesong layuning maitaguyod ang katotohanan.
Sinabi rin niya na nais niyang maiwasan ang anumang pagdududa sa kanyang hangarin na igalang ang proseso at patunayan ang kanyang sarili sa tamang forum.
Sa kabila nito, sinabi ni Estrada na nananatili siyang bukas sa paggamit ng lahat ng legal na remedyo na pinahihintulutan ng batas kaugnay ng kanyang kaso.