Mainit na tinanggap ng Luzon International Premiere Airport Development (LIPAD) Corporation, ang operator ng Clark Airport, ang planong ekspansiyon ng Lufthansa Technik Philippines noong Miyerkules. Inaasahang lalo nitong patatatagin ang posisyon ng Clark bilang isang umuusbong na sentro ng industriya ng eroplano (aerospace hub).
Magtatayo ang Lufthansa ng isang bagong pasilidad para sa base maintenance sa Clark International Airport (CRK). Ang proyektong ito ay karagdagan sa kasalukuyang operasyon ng kumpanya sa Maynila upang mas mapalawak pa ang kanilang serbisyo sa maintenance, repair, and overhaul (MRO) sa buong rehiyon ng Asia Pacific.
Personal na sinalubong ni LIPAD President Noel Manankil noong Miyerkules sina Lufthansa Technik Chief Executive Officer Soeren Stark, Chief Human Resources Officer Janna Schumacher, at Lufthansa Technik Philippines President Holger Beck habang sinisiyasat ng mga ito ang lugar na pagtatayuan ng pasilidad.
Ang Lufthansa Technik Philippines, na isang joint venture o magkasamang negosyo ng Lufthansa Technik at MacroAsia Corporation, ay magtatayo sa isang lupain na may laking 157,000 square meters sa loob ng CRK.
Inaasahang kayang maglaman ng hanggang siyam na wide-body aircraft bays (paradahan at gawaan ng malalaking eroplano) ang bagong pasilidad, na target magsimula ng operasyon sa taong 2028.
Sa kasalukuyan, dalubhasa ang Lufthansa Technik Philippines sa pag-aayos at pag-maintine ng mga eroplanong Airbus A330, A340, A350, at A380, pati na rin ng Boeing 777. Sa pagbubukas ng sangay sa Clark, idaragdag din nila sa kanilang serbisyo ang pangangalaga sa Boeing 787.
“Ang pamumuhunang ito ng Lufthansa Technik ay nagpapakita ng tiwala ng mga pinuno ng pandaigdigang abyasyon sa Clark International Airport at sa mga opurtunidad na matatagpuan dito sa Gitnang Luzon,” pahayag ni Manankil sa isang opisyal na pahayag.
“Ang mga ganitong uri ng pag-unlad ay patunay sa kakayahan ng Clark na magpatakbo ng mga world-class na operasyon sa abyasyon,” dagdag pa niya.