Nagbabala ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa publiko na huwag magtayo ng anumang istruktura, kabilang ang mga kabahayan, sa mga bagong usbong na coastal uplift areas o mga bahagi ng baybayin na umangat matapos ang narekord na magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao noong Hunyo 8.
Sa isang panayam sa Radyo Pilipinas noong Miyerkules, binigyang-diin ni DENR-Mines and Geosciences Bureau (MGB) Assistant Secretary Karlo Queaño na lubhang mapanganib ang manirahan sa mga lugar na ito. Ikinumpara niya ang sitwasyon sa nangyari sa Bohol noong 2013 matapos ang magnitude 7.2 na lindol kung saan umangat din ang ilang bahagi ng baybayin.
“Kaya po rito sa Mindanao, importante na, although uplifted, kailangan po nating maintindihan kung ang dagat po eventually ay bumabalik din po. Kaya sa ganitong sitwasyon, we really discourage na ito ay tayuan at mas maganda nga po gawing siyang geologic monument,” ani Queaño.
Banta ng Kalikasan at Pagbabago sa Anyo ng Lupa
Ayon sa MGB, ang pag-angat ng lupa sa ilang bahagi ng Davao Occidental at mga karatig-lugar ay natural na epekto ng ground deformation o pagbabago sa anyo ng lupa sanhi ng malakas na sismo, na tinatawag ding coastal seismic events.
Matapos ang lindol, napansin ng mga residente na umangat ang ilang bahagi ng dalampasigan na naglantad sa mga dati ay nasa ilalim ng tubig gaya ng mga korales, seabed (sahig ng dagat), at seagrass (damong-dagat). Dahil dito, marami ang nag-usisa kung maaari bang patayuan ng mga tirahan ang mga bagong lupang lumitaw.
Gayunpaman, binalaan ni Queaño ang publiko na hindi pa tiyak ang katatagan ng mga lupang ito sa katagalan. Dagdag pa rito, mas mabilis din ang pagtaas ng lebel ng dagat sa bansa kumpara sa ibang bahagi ng mundo.
“Sa Pilipinas po ay medyo komplikado kasi very active tayo tectonically at in the same way sa Philippines, we are affected by the relative sea level rise. In fact, in the eastern seaboard, it’s actually three times faster than the global average,” paliwanag ng opisyal.
Peligro ng Baha sa mga ‘Upstream’ na Komunidad
Bukod sa panganib sa mismong baybayin, nagbabala rin ang DENR na maaaring magdulot ng bagong banta ng pagbaha ang mga naganap na paggalaw ng lupa at mga pagguho (earthquake-induced landslides) dahil maaari nitong mabago ang daloy ng mga ilog.
Paliwanag ni Queaño, kung ang isang ilog na dating dumadaloy patungong dagat ay biglang naharangan ng umangat na baybayin, mapipilitan itong maghanap ng bagong madadaluyan. Kung lumiko ang tubig patungo sa mga residential areas, malalagay sa panganib ang mga residente rito.
Maaari din umanong magdulot ng mga pagbaha o flash floods kung sakaling magiba ang mga “natural dams” o mga baradong bahagi ng ilog na dulot ng mga gumuhong lupa mula sa bundok.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pakikipagtulungan ng MGB sa Office of Civil Defense (OCD) at sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) upang masusing i-monitor ang mga apektadong lugar at magbigay ng mga hazard assessment para sa kaligtasan ng lahat.