Umarangkada na ang taunang Exercise KASANGGA 2026 sa pagitan ng Pilipinas at Australia.
Isinagawa ang matagumpay na live fire exercise sa pagitan ng dalawang bansa sa Sitio Mainit, Brgy. Balogo sa bayan ng Pasacao sa Camarines Sur.
Dito ipinakita ng dalawang bansa ang kanilang kakayahan at kapabilidad para sa Territorial Defense sa isinagawang War Scenario Simulation.
Kasunod niyan, tulong-tulong ang iba’t ibang ahensya ng Pamahalaan katuwang ang Local Government Unit (LGU) para ilikas muna ang mga sibilyan na kunwari’y apektado ng umano’y gulo.

Ayon sa Philippine Army, ipinakita rin sa pagsasanay ang kanilang kahusayan sa koordinasyon, kahandaan gayundin ang operational effectiveness, mapa-langit, lupa at karagatan.
Samantala, ipinamalas naman ng Australian Army ang kanilang expertise at operational experience sa territorial defense habang sinusuportahan nito ang Pilipinas sa pagtugon sa internal security concerns at pagpapatatag sa kahandaan para sa external defense.
Tatagal ang nasabing pagsasanay ng dalawang bansa hanggang sa June 19.

