Hinihkayat ng Office of Civil Defense (OCD) ang publiko na lumahok at makiisa sa 2nd Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill ngayong araw.
Ganap na alas-9 ng umaga, sa hudyat ng ceremonial pressing of the button sa Kampo Aguinaldo, sabay-sabay na magda-duck, cover and hold para sariwain ang mga dapat gawin sakaling tumama ang malakas na lindol.
Kasunod nito ang pagsasagawa ng tabletop exercise simulation sakaling gumalaw na ang West Valley Fault na posibleng magdulot ng 7.2 magnitude na lindol.
Matapos niyan, opisyal na ilulunsad ang Harmonized National Contingency Plan bilang paghahanda sa pinangangambahang pagtama ng “The BIG One” sa Metro Manila gayundin sa Central Luzon at CALABARZON Regions.
Paalala naman ni OCD Administrator, Undersecretary Harold Cabreros sa publiko na maaaring mangyari anumang oras at sa iba’t ibang parte ng bansa ang lindol kaya mahalaga ang pagiging handa at dapat alamin ang mga dapat gawin bago, habang, at matapos nito.

