Kapwa nilinaw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Philippine National Police (PNP) na wala pa silang natatanggap na kopya ng Warrant of Arrest buhat sa International Criminal Court (ICC).
Ito’y para kina Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go gayundin sa dalawang hindi pinangalanang opisyal ng Pulisya dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa pagpapatupad ng madugong war on drugs ng nakalipas na administrasyon.
Sa text message ni DILG Secretary Jonvic Remulla sa PNP Press Corps, sinabi nitong nakipag-ugnayan siya kay Justice Acting Secretary Frederick Vida at sinabi sa kaniyang wala itong natatanggap na kopya ng naturang warrant.
Pinalutang ni Davao City Representative Paolo “Pulong” Duterte ang naturang warrant umano ng ICC laban kay Go at sa dalawang pulis sa kaniyang social media post.
Sa panig naman ng PNP, sinabi ni Public Information Office Acting Chief, Police Col. Allen Rae Co na basta’t may matanggap na silang warrant buhat sa lehitimo at competent authorities na ipinaraan sa ligal na paraan, kanila itong ipatutupad.