Pinagtibay na ng Senado ang Senate Resolution 447 na naghihikayat sa national government na tiyakin ang sapat na pondo at iba pang kinakailangang suporta para sa rehabilitasyon at pagbangon ng mga komunidad na naapektuhan ng malakas na lindol sa Mindanao noong June 8.
Sa kanyang sponsorship speech, sinabi ni Senador Joel Villanueva na higit pa sa usapin ng pondo ang kinakaharap ng bansa dahil nakasalalay dito ang muling pagbangon ng libu-libong pamilyang nawalan ng tahanan, kabuhayan, at mahal sa buhay.
Binigyang-diin ni Villanueva na mahalaga ang Mindanao sa pambansang ekonomiya bilang pangunahing pinagkukunan ng pagkain, produktong agrikultural, at yamang-dagat, kaya’t ang epekto ng kalamidad sa rehiyon ay nararamdaman sa buong bansa.
Ayon sa paunang pagtataya, umabot na sa hindi bababa sa 1.13 billion pesos ang pinsala sa pampubliko at pribadong imprastraktura, kabilang ang mga tahanan, paaralan, ospital, at iba pang mahahalagang pasilidad na idinulot ng malakas na lindol.
Pinuri rin ng senador ang mga rescue worker, health worker, miyembro ng uniformed services, mga volunteer, lokal na opisyal, at humanitarian organizations na patuloy na tumutulong sa mga apektadong komunidad.
Gayunman, sinabi niyang hindi sapat ang bayanihan lamang upang ganap na makabangon ang mga lugar na sinalanta ng lindol. Dahil dito, isinulong ng senador ang resolusyon upang matiyak na mapakikilos ng pamahalaan ang lahat ng magagamit na pondo at suporta para sa mabilis na pagbangon ng mga apektadong lugar sa Mindanao.