Sa kanyang pagsapi sa bagong majority bloc ng senado, nabigyan ng bagong posisyon si Senador Joel Villanueva.
Sa special session ngayong araw, nahalal si Villanueva bilang senate deputy majority leader at assistant majority floor leader ng Commission on Appointments (CA).
Si Villanueva ang bumuo sa numerong trese para pormal na mahalal si Senate President Sherwin Gatchalian.
Nang matanong kung bakit siya lumipat sa majority, sinabi ni Villanueva na nais lang niyang magtrabaho.
Sinabi rin ni Senator Joel na nagkausap naman sila ni Senador Alan Peter Cayetano at okay naman sila.
Binahagi naman ni Senador Ping Lacson na si Senador JV Ejercito ang naging tulay para sa paglipat ni Senator Joel sa kanilang grupo.
Dati na kasing mag kagrupo sina Senator Joel at Senator JV, sa tinawag nilang ‘seatmates bloc’ kung saan kabilang sina Gatchalian, Senador Juan Miguel Zubiri, dating Senador Sonny Angara, dating Senador Nancy Binay, at dating Senador Grace Poe.
Ayon kay Senator JV, mas nanaig kay Senator Joel ang pagmamahal sa senado.
Nilinaw rin ni Ejercito na walang nangyaring pagbabanta o pananakot para lumipat si Senator Joel.
Sinabi rin ni Majority Leader Juan Miguel Zubiri na kasama rin niyang nakausap si Senator Joel.
Aniya, na-frustrate rin si Senator Joel sa mga nangyari sa senado na naging dahilan kaya hindi na sila nakapagtrabaho. | ulat ni Nimfa Asuncion