Target ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na papanagutin ang ilang opisyales ng DPWH matapos ang mabagal na usad ng proyekto ng Edison Construction na siyang nasa likod ng drainage improvement project sa Philippine General Hospital (PGH).
Paliwanag ni Dizon uunahin lang muna nila na maayos ang nasabing proyekto pero kailangang managot hindi lang ng kontraktor kundi maging ng mga dating opisyales ng DPWH.
Dagdag pa ni Dizon na ang mga kasalukuyang naka-upo sa DPWH-NCR ay pawang mga bagong tauhan na ng ahensya at hindi ito ang kumuha sa nabanggit na kontraktor.
Matatandaang sa ginawang pagbisita ni Dizon sa drainage improvement project sa PGH ay 17% palang ang completion rate nito kahit pa 2024 pa nagsimula ang naturang proyekto.
Una nang sinabi ni Dizon na maliban sa pag-terminate ng kontrata ay kakasuhan pa ang Edison Construction, sa oras na hindi matapos ang proyekto sa September 2026 na ipinangako ng mga ito.