Photo courtesy of Pres. Bongbong Marcos/FB
Inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang naging kautusan ni Russian President Vladimir Putin hinggil sa pagpapalaya sa 24 na mga Pilipino sa Irkutsk, Siberia na napiit ng halos siyam na buwan dahil sa usapin ng immigration.
Ginawa ng Pangulo ang anunsiyo sa Kapihan with Media kung saan nabuksan ang naturang isyu sa kanilang bilateral meeting ni Putin.
Ayon sa Pangulo, ikinagulat ng Russian leader ang sitwasyon ng 24 na Pinoy at lumalabas na hindi nito batid ang kalagayan ng ating mga kababayan.
Napag-alaman din na walang kasong isinampa laban sa mga Pilipino ngunit nanatili silang nakakulong sa loob ng siyam na buwan at nangako naman aniya si Putin na hahanap ng paraan upang maresolba ang sitwasyon mg mga Pinoy.
At noong Gala reception ay nagsabi aniya si Putin na nakita na nila kung ano ang sitwasyon.
Mula dito ay inihayag ni Pangulong Marcos na palalayain na ang 24 na Pilipino pagkatapos na maikasa ang deportasyon.
Dagdag ng Pangulo na binigyan umano ng Russia ng opsyon na manatili at legal na magtrabaho ang 24 na mga Pinoy duon subalit minarapat ng mga ito na umuwi na sa Pilipinas.