Nakapagtala ng panibagong milestone ang Bureau of Customs (BIC) sa pangunguna ni Commissioner Ariel Nepomuceno matapos mapadali ang kauna-unahang direktang pagluwas ng Guimaras Geographical Indication Mangoes ng Pilipinas patungong Europa sa pamamagitan ng Port of Iloilo.
Binubuo ang shipment ng 100 kilo ng premium na mangga na ipinadala at nakatakdang dumaan sa Belgium bago ipamahagi sa Germany, France, Spain, at Netherlands.
Pinuri ni Nepomuceno ang Port of Iloilo sa pangunguna ni District Collector Noli Santua Jr. sa maayos na pagproseso ng kargamento at pagsunod sa mga pandaigdigang pamantayan sa kalakalan.
Ayon sa BOC, ipinapakita ng export shipment ang kakayahan ng mga produktong agrikultural ng Pilipinas na makapasa sa mahigpit na international standards sa kalidad at food safety.
Bahagi rin ng susunod na hakbang ng Port of Iloilo ang planong regular na direktang air cargo export route mula Iloilo International Airport patungong Hong Kong upang mapalawak pa ang pamilihan para sa mga produktong agrikultural ng Western Visayas, kabilang ang Guimaras mangoes.
Inaasahang magpapalakas ito sa pandaigdigang kompetisyon ng mga lokal na prodyuser at magpapalawak sa presensya ng mga produktong Pilipino sa international market.