Lumutang na sa tanggapan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang dating coach ng Ateneo de Manila University Blue Eagles na si Thomas Anthony “Tab” Baldwin.
Ito’y bilang tugon sa ipinadalang subpoena ng CIDG laban sa kaniya kasunod ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa pagkamatay ng dalawang student athletes na sina Rene Baterbonia at Divine Adili.
Kasama ni Baldwin ang kaniyang legal team nang dumating sa tanggapan ng CIDG sa Kampo Crame mag-a-alas-9 ng umaga.
Dito, sasagutin ni Baldwin ang mga katanungan sa kaniya hinggil sa nangyaring teambuilding ng kanilang koponan sa Dipaculao, Aurora na ikinasawi ng dalawang manlalaro.
Magugunitang inihayag kahapon (June 18) ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla na isasailalim sa contempt si Baldwin kung hindi pa rin ito haharap para sa imbestigasyon.
Una na ring hinamon ni CIDG Director, PMGen. Robert Alexander Morico II si Baldwin na magpakalalaki at harapin ang mga ibinabato sa kanila lalo’t naniniwala silang hindi aksidente ang pagkamatay ng dalawang atleta.