Naghain si FPJ Panday Bayanihan Party-list Rep. Brian Poe ng resolusyon sa Kongreso na humihimok sa Energy Regulatory Commission (ERC) na pabilisin ang pagbabalik ng humigit-kumulang ₱9 bilyong over collections ng Manila Electric Company (Meralco).
Sa ilalim ng resolusyon, binigyang-diin ni Poe na dapat maaprubahan at maipatupad ang refund sa loob lamang ng isang taon taliwas sa nais ng Meralco na hulugan ito sa loob ng tatlong taon.
Giit ng mambabatas, sa panahong maraming pamilyang Pilipino ang nahaharap sa mataas na singil sa kuryente, ang pagpapabilis ng refund ay magbibigay ng kaginhawaan sa milyong-milyong kabahayan.
Ayon sa record, ang halaga ng refund ay nag-ugat sa agwat sa pagitan ng aktwal na singil sa distribution charges at ng interim distribution charge na inaprubahan ng ERC para sa mga residential customer noong buong taon ng 2025.
Bukod sa agarang refund, iginiit din sa panukala ni Poe na maglunsad ang ERC ng isang komprehensibong audit at pagbusisi sa mga financial records at kalkulasyon ng Meralco.
Inatasan din ang ERC na magkaroon ng regular na public disclosures o bukas na ulat sa media at publiko ukol sa takbo ng refund para sa transparency at accountability.