Arestado ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang lalaking umano’y nagpanggap na pulis para makapangikil sa ilang manggagawa.
Kinilala ang suspek na si alyas “Napole,” 27-anyos, na nadakip sa isinagawang entrapment operation sa Congressional Avenue noong June 15.
Nag-ugat ang operasyon matapos magsumbong ang mga manggagawang nagsasagawa ng repair at maintenance sa fiber optic cables sa Mindanao Avenue. Ayon sa ulat, nilapitan sila ng suspek at nagpakilalang pulis gamit ang pangalang “Master Sergeant Pole,” saka umano humingi ng pera kapalit ng hindi pagsasampa ng kaso.
Nahuli ang suspek matapos tanggapin ang marked money na nagkakahalaga ng ₱1,500. Nakumpiska rin sa kanya ang isang Glock 17 replica airsoft pistol at cellphone.
Mahaharap ang suspek sa mga kasong robbery, paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at usurpation of authority.