Sinimulan na ng Philippine National Police (PNP) ang dismissal proceedings laban sa Doktor na Pulis na inaresto dahil sa umano’y paghingi ng ₱50,000 mula sa isang aplikante sa Pulisya kapalit ng pagpasa nito sa medical phase ng recruitment.
Kasunod nito, inatasan ni PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez, Jr., ang Police Regional Office sa Bicol Region (PRO-5) na agad alisin sa puwesto ang 40-anyos na opisyal, isang police major na nakatalaga sa Regional Medical Unit 5 (RMU-5).
Gayundin ang pagsasampa ng naaangkop na kasong kriminal at administratibo laban sa tiwaling tauhan ng Pulisya.
Ayon kay Nartatez, higit nilang palakasin ang pananagutan sa serbisyo publiko, sugpuin ang katiwalian sa mga institusyon ng pamahalaan, at tiyakin na tanging mga kwalipikado at karapat-dapat na indibidwal ang matatanggap sa kanilang hanay.
Kasunod niyan, ipinag-utos din ni Nartatez ang masusing pagsusuri sa lahat ng recruitment applicants na naproseso ng nasabing opisyal.
Layon nito na malaman kung may iba pang naging biktima at matukoy ang anumang iregularidad na maaaring nakaapekto sa mga nakaraang recruitment activities.