Kinumpirma ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na humarap sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Crame ang mga coach ng Ateneo Men’s Basketball Team na sina Tab Baldwin, Dean Castaño, Em Fernandez, at iba pang opisyal.
Ito ay kaugnay ng isinasagawang fact-finding investigation ng CIDG sa nangyaring pagkasawi ng dalawang basketball players ng Ateneo na sina Rene Baterbonia at Divine Adili.
Sa ambush interview sa Camp Crame, sinabi ni Remulla na nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon bagamat mayroong umanong “inconsistencies” sa mga pahayag ng mga coach at basketball players.
Ayon sa kalihim, ito ay dahil iba-iba ang puwesto ng mga ito nang mangyari ang insidente sa Aurora.
“In the heat of it all kasi, nung nangyari ang lahat, iba ang accounts ng players, iba ang accounts ng coaches. Iba yung vantage point. Yung mga players, nasa dagat. Yung coaches, nasa pampang. Kinukuha lang namin yung full details tapos gagawa kami ng conclusive report,” ani Remulla.
Sinabi niya na yung ipinadalang drone footage ni Baldwin ay nasa dalawang minuto lamang at naghahanap pa sila ng iba pang footage noong nire-rescue ang mga player.
“The drone footage was very short. Parang two minutes lang after the fact. We’re still researching kung may footage sila of the event itself. So far, walang lumalabas…” “Pinakuha niya sa assistant coach, yung student manager ata. He tried to operate the drone habang nire-rescue na yung players,” ani Remulla.
Mahalaga aniya ang testimonya ni Baldwin sa imbestigasyon dahil siya ang head coach at 90 percent ng desisyon ay galing sa kaniya.
Sa ngayon, sinabi ni Remulla na hinihintay nila na makumpleto imbestigasyon bago sila makapagbigay ng komento.