Hinikayat ng Department of Health (DOH) ang publiko na samantalahin ang mga serbisyong pangkalusugan na bukas para sa lahat anuman ang kasarian o sexual orientation bilang bahagi ng pagdiriwang ng Pride Month.
Ayon sa DOH, kabilang sa mga serbisyong maaaring ma-access ng komunidad ang mental health at psychosocial support, assistance para sa mga biktima ng gender-based violence, at libreng HIV at sexually transmitted infection o STI services.
Pinayuhan din ng kagawaran ang mga nangangailangan ng agarang tulong sa kalusugang pangkaisipan na tumawag sa National Center for Mental Health Hotline 1553, habang maaaring i-report sa National Emergency Hotline 911 ang mga insidente ng pang-aabuso at karahasan.
Hinikayat din ng DOH ang publiko na magpakonsulta sa pinakamalapit na health center upang makatanggap ng libre at inklusibong serbisyong pangkalusugan.
Bahagi ito ng kampanya ng kagawaran para isulong ang pantay na akses sa serbisyong pangkalusugan at matiyak na walang maiiwan sa pagtanggap ng nararapat na pangangalaga.