Sa loob ng nakalipas na mga dekada, naging malaking hamon ang layo ng mga isla at ang hindi pantay na digital infrastructure sa bansa. Dahil sa mabagal at madalas na nawawalang koneksyon, madalas na nade-deley ang serbisyo publiko, nahihirapan ang mga ahensya ng gobyerno na mag-usap, at bumabagal ang saklolo tuwing may kalamidad — partikular na sa mga liblib na lugar.
Ngunit simula ngayong araw, magbabago na ang takbo ng digital landscape sa timog na bahagi ng bansa.
Alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pabilisin ang digital transformation sa bansa, opisyal nang inilunsad ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang Phase 1 ng Mindanao Integrated Government Network (MIGN) sa ilalim ng National Fiber Backbone Project.
Ang hakbang na ito ay isang malaking milestone para matupad ang pangarap ng Pangulo na mapag-isang ikonekta ang Luzon, Visayas, at Mindanao sa pamamagitan ng iisang high-speed digital highway.
500 Ahensya, Konektado sa High-Speed Network
Sa ilalim ng Phase 1, matagumpay na naikonekta ng DICT ang humigit-kumulang 500 ahensya at pasilidad ng gobyerno sa mga pangunahing sentro sa Mindanao, kabilang ang:
- Cagayan de Oro
- Butuan
- Davao City
- Koronadal
- Pagadian
Kasama sa mga sineserbisyuhan na ngayon ng mabilis na network ang mga kritikal na sangay ng pamahalaan tulad ng Department of Education (DepEd), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at ang Office of Civil Defense (OCD).
Higit 5 Milyong Pilipino ang Makikinabang
Hindi lamang mga opisina ng gobyerno ang makikinabang sa proyektong ito. Tinatayang nasa 5.3 milyong Pilipino sa Mindanao ang makataranas ng mas mabilis, mas maaasahan, at mas responsive na serbisyo publiko.
Para sa mga mag-aaral, manggagawa, at lokal na komunidad, mas madali na ang access sa edukasyon, trabaho, at mga dokumento mula sa gobyerno dahil sa real-time data sharing ng mga ahensya.
Lifeline sa Panahon ng Kalamidad
Higit sa lahat, malaki ang maitutulong ng bagong network sa disaster preparedness at emergency response ng bansa. Sa tuwing tatamaan ng lindol, bagyo, o baha ang rehiyon, mas magiging mabilis na ang koordinasyon at pagpapadala ng tulong sa mga apektadong komunidad dahil hindi na basta-basta mapuputol ang komunikasyon.
Binigyang-diin ni DICT Secretary Henry R. Aguda na ang maayos na koneksyon ay hindi na lamang isang luho kundi isang pangunahing pangangailangan.
“Ang connectivity ay hindi lang basta kagaanan sa buhay, ito ay isang lifeline. Ito ay koordinasyon, kaligtasan, at mas mabilis na saklolo sa mga panahong bawat segundo ay mahalaga,” pahayag ni Aguda. “Ito ang tunay na pangako: hindi lang mas magandang teknolohiya, kundi mas magandang serbisyo. Hindi lang mas mabilis na internet, kundi mas mabilis na pagtugon sa pangangailangan ng tao.”
Ang paglulunsad ng MIGN Phase 1 ay isa pang solidong hakbang patungo sa pagbuo ng isang Bagong Pilipinas — isang bansa kung saan walang komunidad ang maiiwan, hindi na hadlang ang distansya, at ang bawat Pilipino ay konektado sa mas maunlad na kinabukasan.