Tiniyak ni House Lead Prosecutor at Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro na hindi magiging dahilan ng pagkaantala o paghinto ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte ang nagbabagong usapin sa kung ilang boto ba talaga ang kailangan para mapatalsik ang pangalawang pangulo.
Ayon kay Luistro, masyado pang maaga para maging “prejudicial question” o hadlang ang isyung ito dahil sa dulo pa naman ng paglilitis kakailanganin ang pinal na bilang ng boto.
Aniya, posibleng tumagal pa hanggang September ang paglilitis kaya may sapat na oras ang mga senador upang resolbahin ang usapin.
Ang pahayag ni Luistro ay tugon sa patuloy na debate kung ang nakasaad na two-thirds vote sa Konstitusyon para sa conviction ay ibabase ba sa kabuuang bilang ng miyembro ng Senado (full membership) o sa bilang lamang ng mga senador na makakalahok sa mismong paglilitis.
Bilang chairperson ng House Committee on Justice, ipinaliwanag ni Luistro na ang usaping ito ay pasok sa internal na hurisdiksyon at constitutional autonomy o kalayaan ng Senado na magtakda ng sarili nitong mga patakaran.