Mariing kinondena ni NAPOLCOM Chief Commissioner Rafael Calinisan ang kaso ng umano’y extortion ng isang pulis sa isang aplikante ng PNP kapalit ng pagpasa sa medical phase ng recruitment process.
Ginawa ni Calinisan ang pahayag matapos maaresto sa entrapment operation ang isang police major na nakatalaga sa Regional Medical Unit ng Police Regional Office 5 dahil umano sa pagtanggap ng P38,000 mula sa isang PNP applicant.
Ayon kay Calinisan, hindi kukunsintihin ng NAPOLCOM ang ganitong uri ng pananamantala na sumisira sa integridad ng PNP at tiwala ng publiko.
Giit nito, walang sinuman ang dapat kumita mula sa pangarap at hangarin ng mga nagnanais maging pulis dahil ang pagpasok sa serbisyo ay hindi dapat gawing negosyo.
Tiniyak naman ng NAPOLCOM na susuportahan nito ang pagsasampa ng kaukulang kasong kriminal at administratibo laban sa mga mapapatunayang sangkot.