Ibinunyag ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na ang pagnanakaw sa mga specialized electrical cable ang pangunahing dahilan kung bakit hindi naging ganap ang operasyon ng flood control pumping station sa Maynila sa kasagsagan ng malalakas na pag-ulan.
Ayon kay Sec. Dizon, labis na perwisyo at hanggang baywang na baha ang idinulot ng naturang insidente sa mga residente matapos maparalisa ang mga pasilidad. Bukod sa mga specialized cable sa Maynila, iniulat din ng kalihim ang pagnanakaw ng mga check valve sa Marikina River na pumipigil sana sa backflow ng tubig, maging ang pagkawala ng mga manhole cover sa Roxas Boulevard.
Agad namang naisaayos at napalitan ang mga kable sa tulong ng lokal na pamahalaan at MMDA, kaya ganap nang muling umandar ang pumping station kaninang madaling araw partikular sa Sunog Apog Pumping Station.
Mariing binalaan ni Dizon ang mga kawatan at tiniyak na pananagutin ang mga ito sa batas, habang magpapakalat naman ng mga tauhan mula sa Coast Guard at barangay upang mahigpit na bantayan ang mga pasilidad laban sa mga nananamantala.