Posibleng bawasan pa ng House prosecution panel ang kanilang mga testigo sa Article I o isyu ng confidential funds ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte kapag nakumpleto na ang tinatawag nilang evidentiary “puzzle” sa confidential funds issue.
Ayon kay House trial spokesperson at impeachment adviser Robert Ace Barbers, patuloy na sinusuri ng prosecution kung kailangan pa ang lahat ng natitirang testigo habang nadadagdagan ang ebidensiyang inihaharap sa Impeachment Court.
Una nang nagbawas ng mga testigo ang prosecution sa Article IV na tumatalakay sa umano’y grave threats matapos nitong makitang sapat na ang mga ebidensiyang nasa rekord.
Sinabi ni Barbers na maaari ring gawin ang parehong hakbang sa Article I kung mapagpapasyahan ng prosecution panel na hindi na kailangan ang karagdagang testimonya.
Dagdag ni Barbers, nais din nilang matapos agad ang paglilitis, lalo’t abala na ang Kongreso sa paghahanda ng 2027 national budget. “Kaya nga itong nakalign up ng mga witnesses, ito ‘yung magko-kompleto sa totoong o sa kabuuang litrato or in the whole picture of the evidence that the prosecution panel wants to present. And we believe that once this is over, we can already perhaps and we feel that the evidence is sufficient, then baka pwede nang magbawas tayo ng ibang witnesses kagaya nang ginawa ng prosecution sa Article IV, ‘yung sa grave threats,” paliwanag ni Barbers