Hinikayat ng Armed Forces of the Philippines ang mga botante sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na huwag matakot at gamitin ang kanilang karapatang bumoto sa kauna-unahang parliamentary elections sa rehiyon.
Ayon kay AFP Spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla, makasaysayan ang halalan dahil mahigpit itong mino-monitor ng international community, kabilang ang United Nations.
Sinabi ni Padilla na mahalaga ang parliamentary elections sa pagpapatuloy ng peace process at pagpapatatag ng pamamahala sa Bangsamoro.
Pangungunahan ng COMELEC ang election preparations, habang nakatutok ang PNP sa law enforcement at ang security forces sa peace and order.
Samantala, hinigpitan ng mga awtoridad ang seguridad sa rehiyon kasunod ng nangyaring pananambang sa Chief Minister ng BARMM. Dinagdagan ang checkpoints at security measures sa mga sensitibong lugar upang matiyak ang ligtas, mapayapa, at mapagkakatiwalaang halalan.