Nanawagan si Senador Mark Villar sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na palakasin ang mga polisiya nito, paigtingin ang mga mekanismo ng pananagutan, at pagbutihin ang paghahatid ng mga benepisyo upang matiyak na walang Pilipinong mapagkakaitan ng tulong medikal sa oras ng pangangailangan.
Ginawa ni Villar ang panawagang ito matapos mag-viral ang kuwento ng isang biyuda na nagsabing hindi nila nakuha ang benepisyo ng PhilHealth para sa kanyang yumaong asawa na matagal nang naghuhulog ng kontribusyon.
Ayon kay Villar, hindi dapat maging hadlang ang mga teknikalidad sa pag-avail ng benepisyong matagal nang pinaghirapan ng mga miyembro.
Binigyang-diin ng senador na sa ilalim ng Universal Health Care Law, dapat na mas nakatuon ang sistema ng kalusugan sa pagpapalawak ng access at pagpapabilis ng serbisyo para sa mga Pilipino.
Hinimok din ng senador ang PhilHealth na magsagawa ng komprehensibong pagsusuri sa claims processing system nito, kabilang ang pagrepaso o pag-alis sa 24-hour confinement policy.
Bukod dito, iginiit niya ang pagpapalakas ng information and education campaigns upang malinaw na maipaliwanag sa mga miyembro ang kanilang mga karapatan, benepisyo, at mga serbisyong maaari nilang matanggap.
Ayon kay Villar, mahalaga ang mga repormang ito upang maiwasan ang kalituhan, mabawasan ang mga pagkaantala sa pagproseso ng mga claim, at matiyak na ganap na naipatutupad ang layunin ng Universal Health Care Law sa pamamagitan ng isang episyente, transparent, at nakasentro sa miyembrong sistema ng PhilHealth.