Pinaiigting ng Philippine Red Cross (PRC) ang kahandaan ng mga komunidad laban sa tagtuyot sa bansa sa pamamagitan ng pagbuo ng Drought Early Action Protocol.
Layunin ng protocol na magsilbing gabay sa maagap na pagtugon sa mga lugar na nanganganib maapektuhan ng kakulangan sa tubig at iba pang epekto ng matinding tagtuyot.
Sa loob ng tatlong araw, nagsagawa ng workshop ang PRC kasama ang mga chapter, volunteer, technical expert, at partner agency upang bumuo ng mas epektibong mekanismo para sa maagang pagkilos.
Ayon kay PRC Chairman at CEO Richard Gordon, mahalagang maihatid agad ang tulong upang mabawasan ang epekto ng tagtuyot sa mga pamilya at magsasaka bago ito humantong sa isang humanitarian crisis. Inaasahang magsisilbing batayan ang Drought Early Action Protocol para sa mas mabilis at mas organisadong pagtugon sa mga lugar na nanganganib tamaan ng tagtuyot sa bansa.