Namahagi ang Department of Agrarian Reform (DAR), ng higit P5.5 milyong halaga ng mga makinarya, kagamitang pansakahan, at farm inputs sa mga Agrarian Reform Beneficiaries sa Rosales Farmers Market, Barangay Tomana East, Rosales, Pangasinan.
Ang hakbang na ito, sa ilalim ng Climate Resilient Farm Productivity Support Program (CRFPSP), ay naglalayong pataasin ang ani ng mga magsasaka, pababain ang gastos sa produksyon, at palakasin ang kanilang kakayahan laban sa epekto ng nagbabagong klima.
Pinangunahan mismo ni DAR Secretary Conrado M. Estrella III ang pamamahagi ng tulong na nagkakahalaga ng eksaktong P5,551,820.00.
Inaasahang makikinabang dito ang kabuuang 1,298 ARBs na nagmula sa 30 Agrarian Reform Beneficiaries Organizations sa buong lalawigan.
Kasama ring dumalo sa aktibidad sina DAR Region I Regional Director Maria Ana B. Francisco, DMW Region I Regional Director Christian Rey Sison, PARPO II Charlotte Lasmarias, PARPO I Reymond Niño Yu, PARAD Atty. Jedidiah Martin Lauraya, CARPO Lorenza G. Sevilla, at Rosales Mayor William Cezar.
Bago ang aktibidad na ito, matagumpay ding naipamahagi ng DAR Pangasinan ang una at ikalawang bugso ng kanilang suporta noong Mayo 12 at Hunyo 18, 2026.
Sa kabuuan, umabot na sa P15.5 milyong halaga ng mga makinarya, farm inputs, livestock, poultry assistance, at pangkabuhayan para sa mushroom production ang naibigay ng kagawaran sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa probinsya. | ulat ni Leslie Gemino | RP Tayug
📸 DAR Pangasinan