Pinaghahanda ng Department of Agriculture (DA) ang mga magsasaka at mangingisda sa posibleng epekto ng bagyo na inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) mamayang hapon hanggang bukas ng umaga.
Sa abiso ng DA, pinapayuhan ang mga magsasaka na anihin na ang kanilang mga hinog na pananim.
Dapat ding ilipat sa ligtas na lugar ang mga binhi, kagamitan, at mga alagang hayop.
Inabisuhan din silang linisin ang mga irrigation canal upang maiwasan ang pagbaha sa mga sakahan.
Samantala, pinayuhan din ang mga mangingisda na ilikas ang kanilang mga bangka at kagamitan at iwasan muna ang paglalayag kapag masama ang panahon.
Ayon sa PAGASA, tatawaging bagyong Francisco ang sama ng panahon pagpasok nito sa PAR at posibleng magpalakas sa Habagat sa mga susunod na araw.