Upang maiwasan ang kalituhan sa dulo ng paglilitis, inihayag ni lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro na pag-aaralan ng House prosecution panel ang paghingi ng opisyal na linaw kung ilan ang vote threshold o pinal na bilang ng botong kailangan para ma-convict si VP Sara Duterte.
Sa kasalukuyan, nakatutok ang panel sa pre-trial conference, ngunit aminado si Luistro na kailangan itong ayusin bago sumapit ang hatol.
Sa ilalim ng 1987 Konstitusyon, kailangan ang two-thirds (2/3) na boto ng lahat ng miyembro ng Senado para mapatalsik ang isang opisyal.
Kung bibilangin ang buong Senado na may 24 miyembro, 16 na boto ang kailangan.
Ngunit para kay Luistro, hindi fixed na 24 ang dapat pagbasehan kundi ang mga senador lamang na nasa ilalim ng kapangyarihan o coercive power ng Senado, lalo pa’t may mga senador na kasalukuyang hindi makakadalo dahil nakakulong o nagtatago.
Ipinunto ni Luistro ang makasaysayang doktrina sa Avelino v. Cuenco (1949) ng Korte Suprema, kung saan ibinaba ang basehan ng quorum dahil ang ibang mambabatas ay wala sa bansa o hindi kayang piliting dumalo ng Senado. Nang tanungin kung posibleng umabot ang isyung ito sa Korte Suprema para sa pinal na interpretasyon, kinumpirma ni Luistro na maaari itong mangyari ngunit kailangan munang pag-aralang mabuti ang tamang timing at legal na basehan.