Mula sa kasalukuyang pitong araw, isinusulong ngayon sa Kamara na palawigin hanggang 105 araw ang paid paternity leave o bakasyon na may bayad para sa mga ama ng tahanan.
Ito ay matapos ihain ni Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno ang House Bill No. 9891 o ang panukalang Paternity and Parental Leave Act (PAPA Leave Act), upang bigyang-halaga ang papel ng mga ama sa pagpapalaki ng anak at pagpapatatag ng pamilya.
Layunin ng “PAPA Leave” na ipantay ang pribilehiyo ng mga ama sa 105-day maternity leave law na tinatamasa na ngayon ng mga ina.
Sa ilalim ng panukala, maaaring gamitin ang naturang mga araw sa iba’t ibang mekanismo alinsunod sa nakasaad sa panukala.
Mas pinalawak din ang sakop ng benepisyo, ibig sabihin, kahit hindi kasal ay maaaring gumamit ng “papa leave.”
Sakop din ang mga manggagawa sa informal economy at mga voluntary member ng SSS, basta’t nakatutugon sa mga kinakailangang hulog o kontribusyon.
Gayunpaman, nagbabala si Diokno na hindi ito bakasyon para mag-relax.
Sinumang ama na mapatutunayang bigong mag-alaga at sumuporta sa kanyang mag-ina habang naka-paternity leave ay ituturing na lumalabag sa Republic Act No. 9262 o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.