Umaasa si Solid North Party-list Rep. Ching Bernos na madagdagan pa ang pondo ng Teacher Education Scholarship Program (TESP) sa mga susunod na taon upang mas maraming estudyante ang makinabang dito.
Pinapurihan ni Bernos ang programa dahil makatutulong umano ito sa paghikayat sa mahuhusay na nagtapos ng senior high school na tahakin ang propesyon ng pagtuturo at matiyak na magkakaroon ng de-kalidad na mga guro sa hinaharap.
Ayon sa mambabatas, mahalaga ang pagkakaroon ng mga mahusay na guro kung nais mapabuti ang kalidad ng edukasyon sa bansa.
Handa rin aniya siyang isulong ang mas malaking pondo para sa programa kapag tinalakay na sa Kongreso ang panukalang pambansang budget para sa taong 2027.
Saklaw ng TESP ang mga kursong Early Childhood Education, Values Education, at Special Needs Education na itinuturing na mahahalagang larangan sa sektor ng edukasyon.
Ang TESP na may pondong 103.32 milyong piso ay inilunsad ngayong buwan ng Department of Education–Teacher Education Council at ng Commission on Higher Education–Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education, bilang bahagi ng pagpapatupad ng Excellence in Teacher Education Act of 2022.