Mula sa pansamantalang trabaho tungo sa pangmatagalang kabuhayan ito ang layunin ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa nakatakdang pagpapalawak ng programang TUPAD upang matulungan ang mga benepisyaryo na maging mga negosyante.
Ayon kay Labor Secretary Francis Tolentino, binubuo na ng DOLE ang mas pinalakas na bersyon ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).
Sa ilalim ng bagong konsepto, pagsasamahin ang mga nagtapos ng TESDA na may magkakatulad na kasanayan at bibigyan ng puhunan upang makapagtayo ng sariling negosyo.
Halimbawa, ang mga nagsanay bilang barista ay maaaring makatanggap ng suporta upang makapagbukas ng coffee shop sa kanilang komunidad.
Nakipagpulong na rin si Tolentino kay TESDA Director General Kiko Benitez para sa implementasyon ng programa.
Kasalukuyan nang tinatapos ng DOLE ang mga alituntunin at mekanismo ng enhanced TUPAD, na target ilunsad sa Hulyo 2026. Mangunguna naman ang mga regional director sa pagpapatupad nito upang matiyak ang maayos na paglipat mula sa skills training tungo sa pagmamay-ari ng negosyo.