Magsasanib-puwersa ang National Electrification Administration (NEA), Department of Public Works and Highways (DPWH), at Pamahalaang Lungsod ng Naga para sa pagpapatupad ng underground cabling project sa lungsod.
Tinalakay nina NEA Administrator Antonio Mariano Almeda, DPWH Secretary Vince Dizon, at Mayor Leni Robredo ang proyekto sa isang pulong kahapon, Hunyo 20.
Matapos ang pagpupulong, nagsagawa ang mga opisyal ng inspeksyon sa lugar upang suriin ang mga kinakailangang paghahanda para sa proyekto.
Layunin ng proyekto na ilipat sa ilalim ng lupa ang mga linya ng kuryente upang mabawasan ang pinsalang dulot ng mga bagyo at mapalakas ang reliability ng power distribution system.
Ayon kay Almeda, makatutulong ang proyekto sa pagpapalakas ng climate resilience ng Naga City, na madalas tamaan ng malalakas na bagyo.
Sinabi naman ni Robredo na inaasahang makatutulong ang proyekto sa pagpapagaan ng daloy ng trapiko at maaari rin itong magsilbing modelo para sa iba pang pangunahing lansangan sa lungsod. Ayon pa kay Almeda, magsisilbing pilot project ang inisyatiba para sa posibleng pagpapatupad ng mga kahalintulad na proyekto sa ibang lugar.