Courtesy of PNP
Nagpahayag ng pagkabahala ang Philippine National Police (PNP) matapos ang dalawang magkahiwalay na insidente ng pananaksak sa mga paaralan sa Cavite noong Hunyo 16 at 19.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., patuloy ang imbestigasyon at sa ngayon ay itinuturing na isolated cases ang mga insidente.
Bilang tugon, inatasan ang lahat ng police units na paigtingin ang police visibility at pagpapatrolya sa loob at paligid ng mga paaralan.
Pinatitibay rin ang koordinasyon sa mga paaralan at local government units para sa mga hakbang na magpapalakas ng seguridad sa mga campus. Giit ni General Nartatez, hindi katanggap-tanggap ang karahasan sa mga paaralan at mananatiling prayoridad ang kaligtasan ng mga mag-aaral.